Tuesday, January 27, 2009

Kwentong Kababalaghan


Mga Kuwentong Kababalaghan

Ito ay isa ring uri ng kuwentong bayan subalit ang kaibahan nito sa mga naunang nabanggit, ito’y sadyang likhang-isip lamang o mula sa makislot na guni-guni ng tagapagsalaysay. Ang kadalasang tema ng kuwentong ito ay tungkol sa mga kababalaghan gaya ng mga maligno, duwende, multo, tikbalang, aswang at iba pa. Kadalasan, walang naniniwala dito at karaniwang pinagkikibitang-balikat lamang ang mga kuwentong ito.

Noong araw, ginagamit na panakot ito ng matatanda sa mga anak nilang matitigas ang ulo. Sa panahon natin ngayong nabago nang lahat ang takbo ng buhay dahil sa pagunlad ng agham at teknolokiya, ang mga kuwentong ito ay napapakinggan na sa mga programa ng radyo, napapanood sa mga palabas sa telebisyon at pelikula at nababasa na rin sa mga komiks.


Saturday, January 10, 2009

Ang Kwentong Bayan at ang Maikling Kwento

Ang kwentong bayan ay ang mga kwentong galing sa ating bayan. Ito ay mga kwentong napasalin-salin sa iba't ibang tao na napapatungkol sa kwento ng ating bayan. Galing pa ito sa mga nakakatanda hanggang napasalin sa mga henerasyon. Lahat ng bansa ay may sariling kwentong bayan. Ito ay isang anyo ng panitikan na pampalipas oras at kadalasa'y ikinukwento sa mga bata upang kapulutan ng aral. At ang kadalasang paksa ay mga bagay na nakapaninindig-balahibo tulad ng tungkol sa mga aswang, maligno, kapre, mga sirena at nuno sa punso.

Maikling Kwento
Ang maikling kuwento ay isang maiksing salaysay hinggil sa isang mahalagang pangyayaring kinasasangkutan ng isa o ilang tauhan at may iisang kakintalan o impresyon lamang. Isa itong masining na anyo ng panitikan. Tulad ng nobela at dula, isa rin itong paggagad ng realidad, kung ginagagad ang isang momento lamang o iyong isang madulang pangyayaring naganap sa buhay ng pangunahing tauhan. Si
Edgar Allan Poe ang tinuturing na "Ama ng Maikling Kuwento."

Mga bahagi

Ang kasukdulan ang bahagi ng maikling kwentong nagbibigay ng pinakamasidhi o pinakamataas na kapananabikan o interes sa mambabasa. Ang kakintalan o impresyon naman ang kaisipang naiiwan sa isipan ng mga mambabasa. Matatapos basahin ang maikling kwento sa isang upuan lamang. Maaari itong magpakita ng iba't ibang damdamin at bumabase sa buhay-buhay ng isang tao. Bagaman mayroon namang kathang isip lamang. Umiinog ang maikling kwento sa mga pangyayari tungkol sa buhay ng mga pangunahing tauhan.

May siyam na uri ng maikling kuwento:

  • Sa kwento ng tauhan inilalarawan an mga pangyayaring pangkaugalian ng mga tauhang nagsisiganap upang mabigyan ng kabuuan ang pag-unawa sa kanila ng isang mambabasa.
  • Sa kwento ng katutubong kulay binibigyang-diin ang kapaligiran at mga pananamit ng mga tauhan, ang uri ng pamumuhay, at hanapbuhay ng mga tao sa nasabing pook.
  • Sa'kwentong bayan nilalahad an mga kwentong pinag-uusapan sa kasalukuyan ng buong bayan.
  • Sa kwento ng kababalaghan pinag-uusapan ang mga salaysaying hindi kapanipaniwala.
  • Naglalaman ang kwento ng katatakutan ng mga pangyayaring kasindak-sindak.
  • Sa kwento ng madulang pangyayari binibigyang diin ang kapanapanabik at mahahalagang pangyayari na nakapagpapaiba o nakapagbago sa tauhan.
  • Sa kwento ng sikolohiko ipinadarama sa mga mambabasa ang damdamin ng isang tao sa harap ng isang pangyayari at kalagayan. Ito ang uri ng maikling kwentong bihirang isulat sapagkat may kahirapan ang paglalarawan ng kaisipan.
  • Sa kwento ng pakikipagsapalaran, nasa balangkas ng pangyayari ang interes ng kwento.
  • Nagbibigay-aliw at nagpapasaya naman sa mambabasa ang kwento ng katatawanan.


Ito ang mga bahagi at ng sangkap ng isang maikling kuwento:

Simula

Kabilang sa simula ang mga tauhan, tagpuan, at suliranin. Sa mga tauhan nalalaman kung sinu-sino ang magsisiganap sa kuwento at kung ano ang papel na gaganapan ng bawat isa. Maaaring bida, kontrabida o suportang tauhan. Sa tagpuan nakasaad ang lugar na pinangyayarihan ng mga aksyon o mga insidente, gayundin ang panahon kung kailan naganap ang kuwento. At ang bahagi ng suliranin ang siyang kababasahan ng problemang haharapin ng pangunahing tauhan.

Gitna

Binubuo ang gitna ng saglit na kasiglahan, tunggalian, at kasukdulan. Ang saglit na kasiglahan ang naglalahad ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang masasangkot sa suliranin. Ang tunggalian naman ang bahaging kababasahan ng pakikitunggali o pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhan laban sa mga suliraning kakaharapin, na minsa'y ang sarili, ang kapwa, o ang kalikasan. Samantalang, ang kasukdulan ang pinakamadulang bahagi kung saan makakamtan ng pangunahing tauhan ang katuparan o kasawian ng kanyang ipinaglalaban.

Wakas

Binubuo ang wakas ng kakalasan at katapusan. Ang kakalasan ang bahaging nagpapakita ng unti-unting pagbaba ng takbo ng kuwento mula sa maigting na pangyayari sa kasukdulan. At ang katapusan ang bahaging kababasahan ng magiging resolusyon ng kuwento. Maaring masaya o malungkot, pagkatalo o pagkapanalo.

Gayunpaman, may mga kuwento na hindi laging winawakasan sa pamamagitan ng dalawang huling nabanggit na mga sangkap. Kung minsan, hinahayaan ng may-akda na mabitin ang wakas ng kuwento para bayaang ang mambabasa ang humatol o magpasya kung ano, sa palagay nito, ang maaring kahinatnan ng kuwento.